Arestado ang limang lalaki sa England dahil sa hinalang may kinalaman sa terorismo at mga paglabag sa batas hinggil sa pampasabog malapit sa RAF Fairford airbase.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente ilang sandali matapos ang hatinggabi na nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek.
Nasa lugar ang bomb disposal unit ng British Army habang inilikas bilang pag-iingat ang mga residente sa dose-dosenang bahay malapit sa airbase.
Nahaharap ang mga suspek sa hinalang paghahanda ng terrorist act at iba pang paglabag na may kaugnayan sa pampasabog. Hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan o posibleng motibo.
Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na matagal nang minamanmanan ng US at UK authorities ang mga suspek. Gayunman, iniulat ng ilang British media na impormasyon mula sa mga lokal na residente ang naging susi sa operasyon.
Ginagamit ang RAF Fairford bilang forward operating base ng US military at naging lokasyon ng mga B-1 bomber na sangkot sa mga operasyon laban sa Iran.











