--Ads--

Maaaring umabot sa 451,000 ang bilang ng mga taong mamamatay sa buong mundo dahil sa matinding init na dulot ng El Niño mula Hunyo 2026 hanggang Pebrero 2027, ayon sa bagong pagsusuri ng Climate Impact Lab.

Batay sa report, inaasahang tataas ng hanggang 1.2 degrees Celsius ang average temperature sa mga kalupaan sa buong mundo dahil sa El Niño sa mga susunod na buwan, na posibleng magresulta sa 44 porsyentong pagtaas ng mga araw na makararanas ng matinding init kumpara sa karaniwang taon.

Kabilang sa mga bansang inaasahang higit na maaapektuhan ang Nigeria, Indonesia, Sudan, India at Brazil. Tinatayang 31,400 heat-related deaths naman ang maaaring maitala sa Nigeria, habang nasa 3,500 ang projection para sa Estados Unidos.

Ayon sa mga mananaliksik, bukod sa direktang epekto ng matinding init, maaari ring magkaroon ng additional deaths dahil sa iba pang extreme weather events na maaaring palalain ng El Niño, gaya ng sunog, baha at tagtuyot.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ng mga eksperto na hindi pa ito maituturing na tiyak na prediksyon dahil hindi pa sumasailalim sa peer review ang naturang report.

Samantala, kabilang sa mga inirekomendang hakbang ng mga mananaliksik ang maagang pagbibigay ng heat warnings, pagkakaroon ng health action plans, pagtatayo ng cooling at hydration centers, at pagpapalawak ng access sa healthcare upang mabawasan ang epekto ng matinding init.