--Ads--

Inihahanda na ng Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City ang mga paaralan sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa inaasahang matinding init ng panahon.

Ito ay kasunod ng inilabas na Department Memorandum No. 064, series of 2026, o Anticipatory Actions and Preparedness Measures for the 2026 El Niño na naglalaman ng mga hakbang at paghahandang dapat isagawa ng mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joel De Leon, Division Disaster Risk Reduction and Management Officer ng SDO Cauayan, sinabi nitong nakasaad sa memorandum ang mga alituntuning dapat sundin sakaling magpatuloy ang El Niño, kabilang ang posibleng pagsususpinde ng face-to-face classes sa panahon ng matinding init.

Gagamitin bilang gabay ang tinatawag na 4H Framework na kinabibilangan ng Hayo, Hina, Hinga, at Hinto na nagtatakda ng mga hakbang batay sa naitatalang heat index.

--Ads--

Sa ilalim ng ‘hayo’ o kapag mababa sa 27 degrees Celsius ang heat index, magpapatuloy ang regular na face-to-face classes, habang ipinatutupad ang mga kaukulang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral.

Pagdating naman sa ‘hinay’ o kapag nasa 27 hanggang 32 degrees Celsius ang heat index, maaaring paikliin ang oras ng klase, baguhin ang schedule o gumamit ng alternatibong paraan ng pagtuturo depende sa kondisyon ng paaralan.

Sa ‘hinga’ naman, kapag nasa 33 hanggang 41 degrees Celsius ang heat index, sususpindihin na ang face-to-face classes. Maaari namang magbigay ang mga guro ng mas magagaan na learning activities na maaaring gawin ng mga mag-aaral sa kanilang tahanan.

Pagdating naman sa ‘hinto’ o kapag umabot sa 42 degrees Celsius pataas ang heat index, sususpindihin na rin ang lahat ng academic activities, kabilang ang online at modular learning.

Ipinaliwanag ni De Leon na isa sa mga hamon sa pagpapatupad ng online learning ay ang kawalan ng sapat na internet access o mobile data ng ilang mag-aaral upang makasabay sa kanilang mga aralin.

Bagama’t may karanasan na ang Department of Education sa online learning noong panahon ng pandemya, hindi pa rin ito ganap na naaabot ng lahat ng mag-aaral, partikular na sa mga liblib na lugar na limitado ang internet connectivity.

Dahil dito, maaari ring gamitin ang modular learning bilang alternatibong paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa panahon ng emergency.

Sa pamamagitan nito, inaasahang makasasabay pa rin ang mga mag-aaral sa kanilang mga aralin kahit pansamantalang ihinto ang face-to-face classes.

Binigyang-diin naman ni De Leon na kailangang unahin ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng posibleng matinding init na dulot ng Super El Niño.

Hinimok din niya ang mga paaralan na maghanda at sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng DepEd upang matiyak ang kaligtasan ng lahat habang pinananatili ang pagpapatuloy ng edukasyon sa pamamagitan ng angkop na learning modalities.