Naaresto ang tatlong senior citizen matapos umanong mahuling nagsasagawa ng ilegal na pagputol at paglalagari ng kahoy sa Purok 6, Barangay Dallao, Cordon, Isabela, dakong alas-5:00 ng hapon nitong Setyembre 30.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Lito,” 62; alyas “Jom,” 63; at alyas “Mel,” 62, pawang senior citizen, magsasaka, may-asawa at residente ng Cordon, Isabela.
Batay sa ulat ng Cordon Municipal Police Station, nagsasagawa ng monitoring ang mga operatiba sa lugar nang mamataan nila ang mga suspek na naglalagari ng mga kahoy. Agad na nilapitan ng mga pulis ang mga ito at nagpakilalang mga awtoridad.
Nang hingan ng kaukulang dokumento at permit para sa pagputol at pagproseso ng mga puno, hindi umano nakapagpakita ang mga suspek ng anumang kinakailangang papeles kaya agad silang inaresto. Ipinaalam din sa kanila ang kanilang mga karapatan alinsunod sa batas.
Nakumpiska sa lugar ang apat na piraso ng flitches ng Gmelina, isang round log na may tinatayang 110 board feet at nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱7,000, at isang unit ng Firo chainsaw na tinatayang nasa ₱5,000 ang halaga.
Dinala sa himpilan ng pulisya sa Cordon ang mga naarestong indibidwal kasama ang mga nakumpiskang kagamitan at forest products para sa kaukulang disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa DENR San Isidro para sa inventory at scaling ng mga nakumpiskang kahoy. Inihahanda naman ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175 o Philippine Chainsaw Act of 2002.











