--Ads--

Umabot na sa 110 ang naitalang hospital admissions dahil sa dengue sa iba’t ibang ospital sa Cauayan City mula Enero hanggang sa kasalukuyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Janice Corpuz, Designated Health Promotion Officer ng City Health Office, sinabi niyang kapansin-pansin sa mga naitalang kaso ang mga batang edad 0 hanggang 14-anyos.

Ayon kay Corpuz, kabilang ang mga bata sa mga grupong mas exposed sa kagat ng lamok dahil sa kanilang mga aktibidad sa labas ng bahay at pagpasok sa paaralan.

Samantala, batay sa sex-disaggregated data na natanggap ng tanggapan, 22 babae at 14 na lalaki ang kabilang sa mga naitalang dengue admissions.

--Ads--

Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng City Health Office sa publiko na magsagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus sa komunidad.

Ayon naman kay Leonard Agsunod, Sanitation Inspector, agad na nagsasagawa ng ocular inspection ang sanitation office sa mga lugar na inirereportang may kaso ng dengue.

Kasunod nito ang search and destroy operations upang matukoy at maalis ang mga posibleng breeding sites ng lamok, partikular ang mga lalagyan at lugar na naiipunan ng tubig.

Kapag kinakailangan, gumagamit din umano ng larvicide o insecticide sa mga natukoy na breeding sites, habang isinasagawa ang fogging batay sa assessment at health protocols.

Binigyang-diin naman ni Agsunod ang kahalagahan ng agarang pagkilos ng mga residente, kabilang ang regular na paglilinis at pagtanggal ng stagnant water, upang makatulong sa pagpigil sa pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue.