Sinimulan na ng City Cooperative Office ng Cauayan City ang pagdiriwang ng Cooperative Month Celebration 2026 ngayong Oktubre, kaugnay ng mga gawaing nakatuon sa pagpapalakas ng pagkakaisa at partisipasyon ng komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sylvia P. Domingo, City Cooperative Officer ng Cauayan City, isinasagawa taon-taon ang Cooperative Month Celebration bilang pagkilala sa mga tagumpay, ambag at serbisyong naibibigay ng mga kooperatiba sa komunidad.
Sabay-sabay na ikinabit ang mga Cooperative Month streamer sa City Hall Building, bilang bahagi ng pagbubukas ng pagdiriwang sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nakibahagi rin ang City Cooperative Office at mga kaanib nitong kooperatiba sa clean-up drive bandang alas-singko ng umaga, bilang ambag sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran.
Ngayong taon, isinasagawa ang pagdiriwang sa ilalim ng temang “Matibay na Kooperatiba: Nagkakaisang Pamayanan para sa Kapayapaan at Kaunlaran,” na nakatuon sa pagpapalakas ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pamamagitan ng mga kooperatiba.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Councilor Leoncio Sid Dalin, chairman ng Committee on Cooperatives, mahalaga ang pagkakaisa ng mga kooperatiba at ng lokal na pamahalaan upang mas mapalawak ang kanilang serbisyo at ambag sa komunidad.
Sa Cauayan City, aabot sa 32 kooperatiba ang kasama sa pagdiriwang, kabilang ang mga kooperatibang nakatuon sa agrikultura, transportasyon, credit at iba’t ibang serbisyo para sa kanilang mga miyembro.
Samantala, magpapatuloy ang Cooperative Month Celebration sa buong buwan ng Oktubre, kung saan nakahanda ang iba’t ibang gawain para sa mga kooperatiba at komunidad sa Cauayan City.










