--Ads--

Nasugatan ang dalawang driver matapos magsalpukan ang dalawang SUV sa kahabaan ng Alicia-San Mateo Road bandang alas-dos ng hapon nitong Oktubre 2, 2026.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, patungong kanluran o San Mateo-bound ang puting Isuzu Crosswind nang makasalubong nito ang itim na Mitsubishi Montero na umano’y napunta sa kabilang linya ng kalsada na naging sanhi ng banggaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ian Doble, isang residente at aktuwal na nakasaksi sa insidente, mabilis umano ang takbo ng itim na SUV bago nito tinahak ang kabilang linya.

Sinubukan umanong kumabig ng driver ng Crosswind upang maiwasan ang salpukan, subalit hindi na nito naiwasan ang Montero.

--Ads--

Sa naturang insidente, parehong nagtamo ng sugat ang dalawang driver habang wala namang naiulat na malubhang pinsala sa mga pasahero.

Mabilis namang nilapatan ng paunang lunas ang mga biktima bago isinugod ng Rescue 531 sa pinakamalapit na ospital para sa karagdagang gamutan.

Samantala, nagtamo ng malaking pinsala ang dalawang sasakyan at kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa insidente.