Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon ni dating Police Patrolman Rodulfo Gracioso Jr. na may kinalaman siya sa umano’y paghahatid ng mga maleta na naglalaman ng pera.
Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni Duterte na hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang tinanggap na pera mula rito. Iginiit din niyang hindi niya ginawa ang mga pangyayaring iniuugnay sa kanya sa sinumpaang salaysay at mga panayam ni Gracioso.
Ayon sa Bise Presidente, isusumite ng kanyang kampo sa Huwebes ang kanyang affidavit bilang tugon sa mga alegasyon.
Nauna nang iginiit ni Gracioso na ilang beses siyang naghatid ng pera kina Duterte, Davao City 1st District Representative Paolo Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte umano sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Tinatayang mahigit ₱2 bilyon umano ang kabuuang perang naihatid niya kay Sara Duterte.
Samantala, hindi umano tinatanggihan ni VP Sara ang hamon na sumailalim sa lie detector test, ngunit iginiit niyang dapat munang ilabas ng kampo ni Gracioso ang video ng isinagawa umanong lie detector test sa dating pulis.
Sa press conference nitong Martes, sinabi ni Duterte na wala siyang problema sa lie detector test, ngunit kinuwestiyon niya ang pahayag na pumasa si Gracioso dahil si Gracioso lamang umano ang nagsasabing nakapasa siya.
Ayon kay Duterte, hindi siya ang dapat hamunin dahil nasagot na umano niya ang mga alegasyon na nakasaad sa affidavit ni Gracioso.
Giit ng Bise Presidente, mas mahalagang makita ang video ng lie detector test ni Gracioso at kung paano isinagawa ang naturang pagsusuri.











