May kalakip umanong acknowledgment receipt sa bawat paghahatid ng pera sa mga bahay ni Posibleng lumampas sa ₱1 bilyon ang kabuuang perang naihatid umano kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa walong magkakahiwalay na pagkakataon, ayon sa testimonya ng isang prosecution witness sa Sandiganbayan.
Inilahad ito ni Wilt Walter Rosales, dating personal assistant ni Henry Alcantara, dating DPWH Bulacan First District Engineer at state witness, sa ikaanim na araw ng pagdinig sa petition for bail ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Nang tanungin ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Ronald Moreno kung umabot sa mahigit ₱1 bilyon ang kabuuang perang naihatid niya kay Co, sinabi ni Rosales na posibleng lumampas ito sa naturang halaga.
Tatlong delivery umano ang isinagawa sa Horizon Residence ni Co sa Taguig City at lima sa kanyang tirahan sa Valle Verde, Pasig City, mula Pebrero 2022 hanggang Disyembre 2024.
Ayon kay Rosales, gumamit sila ng durabox noong 2022 bago lumipat sa mga maleta simula 2023. Kasama rin umano niya si Engineer Carlo Rivera sa pagbibilang ng pera, kung saan nasa ₱100 milyon ang pinakamalaking halagang personal niyang nabilang sa isang delivery.
Tinatayang ₱20 milyon hanggang ₱25 milyon ang maaaring lamanin ng medium-sized suitcase, habang ₱20 milyon hanggang ₱45 milyon naman sa malaking maleta, depende sa laki at kung expandable.
Kinuwestiyon naman ng mga abogado ni Romualdez ang ilang detalye sa testimonya, kabilang ang mga halagang maaaring magkasya sa mga maleta na hindi umano nakasaad sa judicial affidavit ni Rosales.
Dagdag ng testigo, may sticky note sa bawat maleta na nagsasaad ng halaga ng pera. Kapag hindi kasama si Alcantara sa delivery, humihingi umano ito ng acknowledgment receipt na nilalagdaan nina John Paul Estrada o Mark Ticsay, mga executive assistant ni Co, bago ipatapon ni Alcantara.
Gayunman, sinabi ni Rosales na hindi niya alam kung para saan ang perang kanilang inihahatid.
Nahaharap sina Romualdez, Co at iba pang akusado sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.4-bilyong anomalya sa mga flood control project. Patuloy ang pagdinig sa petisyon ni Romualdez para makapagpiyansa.











