Nagnegatibo sa initial qualitative urine drug test ang sample ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio, ayon sa resulta ng pagsusuri sa isang pribadong ospital sa Quezon City.
Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng quantitative drug test para sa mas detalyadong pagsusuri sa kaniyang sample.
Samantala iginiit nito na hindi lamang siya ang dapat pinuna ng DILG kaugnay ng naging mainitang pagtatalo nila ng isang barangay captain sa regular session ng Sangguniang Bayan.
Ito ang naging pahayag ni Respicio matapos kondenahin ng DILG ang kaniyang naging asal sa naturang sesyon kung saan nakasagutan niya ang isang barangay official.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Respicio, sinabi niyang bilang presiding officer ng sesyon, bahagi ng kaniyang tungkulin na paalalahanan ang mga dumadalo sa proceedings na panatilihin ang maayos na asal.
Aniya, hindi rin umano nararapat para sa isang dumadalo bilang audience na sumigaw at manduro. Inamin naman ni Respicio na may pagkakamali rin siya sa nangyari, ngunit iginiit na dapat ding imbestigahan ng DILG ang naging asal ng naturang barangay official.
Ayon sa bise alkalde, nagsimula ang tensiyon matapos umanong harangin ang mga tobacco farmer na dumalo sa naturang sesyon. Aniya, mga punong barangay umano ang sinasabing nang-harass sa mga ito, dahilan upang mauwi sa mainitang pagtatalo ang pagpupulong.
Dahil dito, hiniling ni Respicio sa DILG na suriin hindi lamang ang naging insidente kundi maging ang asal ng mga opisyal sa kanilang bayan upang matukoy ang ugat ng naging kaguluhan.
Samantala, kaugnay naman ng pinag-uusapang tobacco excise tax, sinabi ni Respicio na naipasok ang pondo sa general fund ng munisipyo. Gayunman, napansin umano niyang insufficient funds na o wala nang laman ang bank account na may kaugnayan dito.
Dahil dito, naghinala umano siya na maaaring may anomalya sa paggamit ng pondo, kabilang ang umano’y pagkakaroon ng ghost projects. Wala naman siyang inilatag na karagdagang detalye o dokumento kaugnay sa alegasyong ito.
Iginiit ni Respicio na ang tanging nais niya at ng mga tobacco farmer ay maibigay sa mga ito ang nararapat nilang matanggap mula sa tobacco excise tax.
Nanawagan naman siya sa alkalde ng Reina Mercedes na ipasa na ang inirekomendang ordinansa at maibigay ang hinihiling ng mga tobacco farmer upang maiwasan umano ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng munisipyo.
Samantala, inamin din ni Respicio na hindi siya palagiang nakapapasok sa kaniyang trabaho bilang vice mayor kaya nababawasan ang kaniyang suweldo. Humingi rin siya ng paumanhin kaugnay sa kaniyang pagliban.
Ipinaliwanag niya na may mga pagkakataong hindi siya pumapasok dahil wala umano silang mahalagang ginagawa sa tanggapan at karamihan sa mga opisyal ay magkakaalyado.
Sa halip, sinabi niyang mas pinipili niyang magtungo sa Maynila upang ihayag ang kaniyang pagtutol sa mga isyu ng korapsyon sa pambansang pamahalaan.
Iginiit naman niyang kaya umano siya tinatarget ng DILG ay dahil siya ay kilala bilang kritiko ng administrasyong Marcos.










