--Ads--

Hinihintay ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang magiging paliwanag ng depensa ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa ₱817 milyong umano’y hindi naideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Kinilala ni Lacson ang naging papel nina House prosecutor Rep. Chel Diokno at prosecution expert witness Alexander Cabrera sa paglalahad ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Duterte-Carpio sa impeachment trial.

Kabilang sa mga isyung inilatag ang ₱766 milyong pumasok sa CALE88 Foods Corporation, sa kabila ng iniulat na ₱208 milyong kita nito.

Gayunman, iginiit ni Lacson na hindi pa niya maituturing na pinal ang testimonya ni Cabrera dahil kailangan pa itong masuri sa cross-examination ng depensa, na maaari ring magharap ng sariling eksperto at pagsusuri.

--Ads--

Sinabi ni Lacson na titimbangin ng mga senador-hukom ang mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig bago bumuo ng kanilang pagsusuri.

Samantala, sinabi ni House prosecutor Rep. Terry Ridon na matapos ang cross-examination at iba pang kaugnay na pagtatanong kay Cabrera, ihaharap ng prosekusyon ang pormal na listahan ng mga ebidensyang nais nitong tanggapin ng hukuman.