Nakapagtala ang National Bureau of Investigation o NBI ng malaking diperensya sa idineklarang halaga ng ilang ari-ariang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at Davao City Representative Paolo Duterte, batay sa pagsusuri ng ahensiya.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, may isang ari-ariang idineklara sa halagang humigit-kumulang ₱890,000, ngunit tinatayang maaaring umabot sa ₱60 milyon ang halaga nito.
Inilahad ni Matibag ang resulta ng pagsusuri nitong Lunes, kasunod ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga halagang nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs at ng paunang pagtataya ng NBI.
Batay sa paunang resulta ng ahensiya, sinusuri ng mga imbestigador ang 24 na ari-ariang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Patuloy ang pagsusuri ng NBI upang matukoy ang aktuwal na halaga ng mga ari-arian at mapalinaw ang mga pagkakaiba sa mga idineklarang halaga at paunang pagtataya ng ahensiya.











