--Ads--

Pinayuhan ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) ang mga consumer na tiyaking kumpleto at valid ang kanilang mga dokumento para sa bagong koneksyon ng kuryente upang maiwasan ang posibleng aberya sa serbisyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Consumer Welfare Officer Angelu Gapusan ng ISELCO 1, sinabi niyang kabilang sa mga kinakailangan ang Certificate of Final Electrical Inspection na kinukuha sa Municipal Engineering Office o Office of the Building Official ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Gapusan, may mga aplikanteng pansamantalang dokumento lamang ang natatanggap habang hinihintay ang pinal na certificate. Ang ilan sa mga ito ay may bisa lamang sa loob ng 90 days.

Dahil dito, hinikayat niya ang mga consumer na alamin ang validity period ng kanilang mga dokumento at asikasuhin ang mga kinakailangang papeles bago mag-expire ang mga ito.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na bukod sa regular na pagbabayad ng bill, mahalagang kumpleto at valid ang mga dokumento para sa koneksyon ng kuryente.

Pinayuhan naman niya ang mga consumer na makipag-ugnayan sa ISELCO 1 at sa kinauukulang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang kumpirmahin ang mga requirement at proseso sa pagkuha ng pinal na certificate, gayundin ang mga hakbang na dapat gawin kung mag-expire ang pansamantalang dokumento.