Nagsagawa ng joint monitoring and advocacy activity ang Department of Trade and Industry (DTI) at Consumer Network (ConsumerNet) Region 2 sa mga business establishment sa Cauayan City, Isabela, bilang bahagi ng Consumer Welfare Month na may temang “Safe Products, Confident Consumers.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Angie Gumaru, OIC Division Chief ng Consumer Protection Division ng DTI Region 2, sinabi niya na karamihan sa mga negosyong kanilang ininspeksiyon ay sumusunod sa mga itinakdang alituntunin, bagama’t may ilang paglabag pa rin, partikular ang hindi paglalagay ng tamang price tag sa mga paninda. Karaniwan itong nakikita sa mga wet market kung saan nagbabago ang presyo ng mga produktong agrikultura, gaya ng karne ng baboy at gulay.
Katuwang ng DTI ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City sa pagsuri sa pagsunod ng mga negosyo sa mga batas sa patas na kalakalan at iba pang regulasyon.
Hinati sa tatlong cluster ang monitoring team. Nakatutok ang Cluster 1 sa mga service enterprise, kabilang ang mga nagkukumpuni ng kagamitan; Cluster 2 sa mga wet market; at Cluster 3 sa mga supermarket, hypermarket at hotel, kabilang ang pagsunod sa mga diskuwento para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Ayon kay Gumaru, ito na ang ikawalong joint monitoring activity ng grupo matapos ang mga naunang inspeksiyon sa Santa Ana, Tuguegarao City, Ilagan City at Santiago City.
Inaaayos na rin ng mga kinauukulang ahensiya ang susunod na iskedyul ng monitoring upang maipagpatuloy ang magkakasamang inspeksiyon sa mga negosyo sa rehiyon.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas para sa proteksiyon ng mga mamimili at matiyak na sumusunod ang mga negosyo sa mga pamantayan sa pagbebenta ng mga produkto.











