Lumobo pa sa 66 na bayan o munisipalidad sa Lambak ng Cagayan na nagdeklara ng state of Calamity dahil sa epekto ng tag-tuyot o El Niño..
Umabot na sa mahigit animnaraang libong indibidwal ang apektado ng matinding tagtuyot sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang mahigit pitong daan at animnapung milyong piso na ang naipagkaloob na tulong ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga pamilyang nakararanas ng epekto ng dry spell at drought.
Batay sa ibinahaging datos ni Special Assistant to the Secretary (SAS) for Special Projects Maria Isabel Lanada,nasa 218 local government units na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa tagtuyot.
Kabilang dito ang mga probinsyang Isabela, Cagayan, Camarines Norte, Dinagat Islands at Agusan del Sur, habang ang iba pang mga lugar ay nagdeklara ng state of calamity sa antas ng munisipalidad.
Sa kabuuan, umabot na sa 3,938 barangay ang apektado ng tagtuyot, katumbas ng 247,640 pamilya o 622,318 indibidwal.
Samantala, patuloy ang paghahanda at pamamahagi ng DSWD ng food at non-food assistance, gayundin ng tulong pinansyal para sa mga nangangailangang pamilya.
Umabot na sa mahigit 768.2 milyong piso ang kabuuang naipagkaloob na tulong kaugnay ng tagtuyot, kabilang ang mga cash assistance at iba pang relief items.
Pinakamalaki ang natanggap na tulong ng Region 2, lalo na ng Isabela at Cagayan, na kabilang sa mga pangunahing lalawigan na nagsusuplay ng palay sa Luzon.
Bukod sa pinansyal na ayuda, mayroon ding nakahandang food at non-food items, kabilang ang mga ready-to-eat food, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan.
Samantala, patuloy na minomonitor ng ahensya ang sitwasyon upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain, malinis na tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng tagtuyot.











