Naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niyang pinag-aaralan na ng mga provincial engineer ang mga lugar na maaaring isailalim sa dredging upang mapalalim ang mga creek at mapabuti ang daloy ng tubig patungo sa mga pangunahing daluyan nito.
Kabilang din sa mga planong hakbang ang pangangalaga sa mga watershed, at pagpapalakas ng mga water harvesting facility upang magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng tubig ang mga komunidad.
Pinag-aaralan din ang paggawa ng mga simpleng water filtration system upang magamit nang maayos ang naipong tubig.
Bukod sa mga hakbang para matiyak ang suplay ng tubig, plano rin ng kapitolyo na bumili ng mga hydroseeding machine na gagamitin sa pagpapanumbalik ng damo sa mga dalisdis ng bundok, dating minahan, at iba pang lugar na nanganganib sa soil erosion at landslide.
Kaugnay nito, nakikipag-usap na rin umano ang pamahalaang panlalawigan sa mga mining firm upang matiyak na mayroon silang mga plano para sa rehabilitasyon ng mga lugar na kanilang minina at hindi basta maiiwan ang mga ito matapos ang operasyon.
Binigyang-diin ng Gobernador na mahalagang pagsamahin ang mga pangmatagalang hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan at mga agarang hakbang upang matiyak ang suplay ng tubig. Kabilang dito ang pagtitipid at maayos na pag-iimbak ng tubig sa bawat tahanan, paaralan at komunidad bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.











