Ipinahayag ni King of Talk Boy Abunda ang matinding pagkadismaya sa mga host ng Machong Chismisan podcast dahil sa umano’y pangungutya kay Josh Aquino, panganay na anak ng kaniyang kaibigang si Kris Aquino.
Sa kaniyang pahayag, iginiit niyang hindi “walang silbi” si Josh at kinondena ang paghahambing dito sa nakababatang kapatid na si Bimby, lalo’t mayroon itong autism spectrum disorder.
Ibinahagi rin ni Tito Boy ang kabutihang ipinakita ni Josh noong nagpapagamot si Kris sa Estados Unidos, kung saan pinangungunahan umano ng binata ang pagdarasal ng pamilya tuwing umaga.
Nanawagan din si Abunda na pag-aralan ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga host, at binanggit ang Republic Act 9442 o Magna Carta for Disabled Persons.
Samantala, tinapos na ng The Pod Network ang kontrata nito sa Machong Chismisan kasunod ng matinding reaksiyon ng publiko.











