Umani ng magkakasunod na standing ovation si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa unang gabi ng kaniyang tatlong gabing sold-out concert na “Finale” noong Sabado, Oktubre 17, bilang pagdiriwang sa kaniyang ika-40 anibersaryo sa industriya ng musika.
Kabilang sa mga pagtatanghal na hinangaan ng mga manonood ang kaniyang mga awit na “Narito Ako,” “I Don’t Want to Miss a Thing” at “What Kind of Fool Am I?” Naging tampok din ang muling pagsasama nina Velasquez, Mikee Cojuangco at Donna Cruz sa awiting “I Can,” theme song ng kanilang 1996 musical comedy film na “Do Re Mi.”
Naghatid din ng kilig sa mga manonood ang duet nina Velasquez at asawang si Ogie Alcasid sa kantang “Hanggang Ngayon.” Tampok din sa konsiyerto ang P-pop girl group na DNA at isang bagong banda na binubuo ng mga pamangkin ng Songbird at ng anak nitong si Nate.Isinara ni Velasquez ang unang gabi sa pamamagitan ng pag-awit habang sakay ng isang mekanikal na gintong ibon sa segment na “Regine-oke,” kung saan nagtanghal siya ng medley ng mga awiting “Crazy for You,” “Dancing Queen” at “If Ever You’re in My Arms Again.”
Inaasahan namang may iba pang espesyal na panauhin at pagtatanghal sa ikalawa at ikatlong gabi ng konsiyerto.





