Arestado ang isang Most Wanted Person na residente ng Tuguegarao City, Cagayan, sa pinagsanib na operasyon ng mga tauhan ng pulisya sa Barangay Putatan, Muntinlupa City, nitong Oktubre 17.
Kinilala ang naaresto sa alyas na “Ed,” 33-anyos, isang motorcycle mechanic, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, slight physical injury and damage to property, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit ng Alabang Sub-Station, katuwang ang iba pang tauhan ng nasabing himpilan, gayundin ang mga pulis mula sa Tuguegarao Component City Police Station at Ilagan Component City Police Station.
Batay sa ulat, unang inilabas ang warrant of arrest laban sa suspek noong Hulyo 6, 2026, kaugnay ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, slight physical injury and damage to property, na may inirekomendang piyansang ₱60,000.
Samantala, inilabas naman noong Marso 4, 2026 ang bench warrant of arrest laban sa kaniya dahil sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na walang inirekomendang piyansa.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Custodial Facility Unit ng Muntinlupa Police Station ang naarestong suspek habang hinihintay ang paglilipat sa korte na naglabas ng mga warrant.
Naitala rin ang warrant of arrest sa E-Warrant System.











