Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, Oktubre 20, ang Super Typhoon Champi na inaasahang maaaring makaapekto sa ilang bahagi ng hilagang Luzon sa huling bahagi ng linggo, ayon sa PAGASA.
Kapag nakapasok na ito sa PAR, tatawagin itong Bagyong Rosal.
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Linggo, Oktubre 18, nananatili sa labas ng PAR ang bagyo. Maaari nitong maapektuhan ang ilang bahagi ng Cagayan Valley at hilagang bahagi ng Ilocos Region kapag pumasok na ito sa PAR.
Sa datos na inilabas alas-3 ng hapon, namataan ang Super Typhoon Champi may 2,000 kilometro sa silangan ng timog-silangang Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Samantala, ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ ang nakaaapekto sa Palawan at kanlurang bahagi ng Mindanao, habang umiiral naman ang easterlies sa Visayas at nalalabing bahagi ng Luzon.
Dahil dito, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-Tawi at Palawan, gayundin sa Quezon, Bicol Region at Eastern Visayas.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms, ang mararanasan naman sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa nalalabing bahagi ng Mindanao.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan, lalo na kung magtatagal ang mga ito.Bagama’t hindi pa direktang nakaaapekto sa bansa ang Super Typhoon Champi habang nasa labas pa ito ng PAR.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa hilagang Luzon, na patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA dahil maaari pang magbago ang direksiyon at galaw ng bagyo.











