Patuloy na nakaaapekto ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Samantala, nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Surigae (dating Queenie) na namataan sa layong 845 kilometro hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 190 kilometers per hour habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 20 kilometers per hour.
Sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Lanao del Sur, at Basilan, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot ng ITCZ. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan.
Sa Palawan at nalalabing bahagi ng Mindanao, magiging maulap hanggang bahagyang maulap ang kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms. Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa kapag nagkaroon ng matitinding thunderstorm.
Samantala, sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms. Posible rin ang pagbaha at landslides sa panahon ng malalakas na thunderstorm.
Para naman sa lagay ng karagatan, makararanas ang Luzon ng mahina hanggang katamtamang hangin mula sa kanluran hanggang timog-kanluran, habang bahagya hanggang katamtaman ang pag-alon ng dagat na may taas na 0.6 hanggang 1.8 metro.
Sa Visayas at Mindanao, mahina hanggang katamtamang hangin mula sa timog-silangan hanggang timog-kanluran ang iiral, at bahagya hanggang katamtaman din ang pag-alon ng karagatan na may taas na 0.6 hanggang 1.5 metro.
Naitala naman sa nakalipas na 24 oras ang pinakamababang temperatura na 25.4 degrees Celsius at pinakamataas na 31.0 degrees Celsius.







