--Ads--

Humarap sa bail hearing ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez nitong Lunes, Oktubre 19, si Police Major Alvin Alvaro Nuguid, isa sa mga dating close-in security personnel ni dating Congressman Zaldy Co.

Ayon kay Nuguid, sa halos dalawang taon niyang panunungkulan, nakita niyang inaakyat mula sa basement ng Horizons patungo sa Units 56C at 56D ng Horizon Homes sa Taguig, na umano’y pag-aari ni Co, ang nasa 50 hanggang 60 maleta. Nakita rin umano niyang ibinaba mula sa mga naturang unit ang humigit-kumulang 40 maleta.

Gayunman, nilinaw ni Nuguid na wala siyang personal na kaalaman kung pera ang laman ng mga ito. Naririnig lamang umano niya ang mga usapan ng kaniyang mga kasamahan tungkol sa “special tasking” at ang biruang “may pera sa basura.” Personal naman niyang nakita ang pagdating ng mga maleta noong Setyembre 2024.

Hindi rin umano nakita ni Nuguid na binibilang ang laman ng mga maleta at hindi niya alam kung saan nanggaling o kung saan dadalhin ang mga ito. Aniya, nakatuon lamang siya sa pagbabantay sa seguridad ni Co sa labas ng mga unit at hindi siya tumutulong sa pagbubuhat ng mga maleta.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi niya matanong si Co tungkol sa laman at layunin ng mga maleta dahil hindi umano ito nakikipag-usap sa kaniya, maliban kapag nagbibigay ng pangmeryenda.

Samantala, sinabi ni Nuguid na minsan niyang nakita si Romualdez na bumisita kay Co noong 2025, kasabay ng panahong tinanggal si Co bilang chairperson ng House Committee on Appropriations. Gayunman, wala siyang alam sa napag-usapan ng dalawa sa naturang pagbisita.