Patuloy na isinusulong ng Santiago City Police Office ang Safer City Initiative sa pamamagitan ng pagpapaigting ng pagpapatupad ng mga batas-trapiko at pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., acting chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nito na nagpapatuloy ang kanilang mga operasyon at aktibidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maayos na daloy ng mga sasakyan sa kalsada.
Isinasagawa ang mga hakbang na ito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Order and Safety, at Land Transportation Office-Santiago Extension Office upang palakasin ang koordinasyon sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa trapiko at pagtugon sa mga suliraning may kaugnayan sa kaayusan sa lansangan.
Binigyang-diin ni Agabao na layunin ng kanilang patuloy na mga aktibidad na mapalakas ang disiplina ng mga motorista, mahikayat ang responsable at ligtas na paggamit ng kalsada, at maiwasan ang mga paglabag na maaaring magdulot ng aksidente.
Tiniyak din ng Santiago City Police Office, sa pangunguna ng Traffic Enforcement Unit, ang pagpapatuloy ng kanilang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan.











