--Ads--

Arestado ang dalawang construction worker matapos ang isinagawang joint anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Villa Luisa Subdivision, Purok 3, Barangay Minante 2, Cauayan City, Isabela, dakong alas-1:17 ng hapon nitong Setyembre 1.

Kinilala ang mga suspek na isang 51-anyos, construction worker, residente ng Brgy. Bued, Calasiao, Pangasinan at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar; at isang 52-anyos, may asawa, construction worker at residente ng Brgy. Ramona, Angadanan, Isabela.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng CDEU Cauayan City Police Station, katuwang ang RMU2 at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, sa koordinasyon sa PDEA Region 2.

Ayon sa pulisya, naaresto ang dalawang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer, kapalit ng buy-bust money.

--Ads--

Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 0.75 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P5,100, kasama ang iba pang mga kagamitang pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na droga.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang isang pulang jewelry cardboard box na naglalaman ng apat na sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, digital weighing scale, tatlong lighter, dalawang improvised plastic tooter, dalawang maliit na rolyo ng aluminum foil, gunting, limang bakanteng plastic sachet at dalawang cellular phone.

Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.