Halos kumpleto na ang paghahanda ng pamahalaan para sa nakatakdang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Pilipinas sa Nobyembre 15 hanggang 17.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakalatag na ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng summit.
Bagama’t may ilang aspeto pang kailangang paghusayin, tiniyak ni Castro na patuloy ang pagsisikap ng gobyerno upang maging matagumpay ang pagtitipon.
Sinabi naman ni Executive Secretary Ralph Recto, na chairman din ng ASEAN National Organizing Council, na naaayon sa itinakdang iskedyul ang mga paghahanda. Kabilang dito ang mga pagpupulong ng mga delegado, pagsasaayos ng upuan at pagtiyak sa seguridad ng 20 lider ng mga bansang inaasahang dadalo.
Gaganapin ang mga pangunahing aktibidad sa Philippine International Convention Center, kung saan magtitipon ang mga pinuno ng bansa, libo-libong delegado at mga lider ng negosyo upang talakayin ang mga usaping panrehiyon at pandaigdigan.











