Nagsasagawa ng District Schools Press Conference (DSPC) ang Cauayan North District sa Cauayan City ngayong araw, Agosto 21, bilang bahagi ng paghahanda ng mga mag-aaral sa iba’t ibang kategorya ng campus journalism.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arnel Turqueza Ariola, Journalism Coordinator ng Cauayan North District, sinabi nitong nakatuon ang kanilang paghahanda sa patuloy na pagsasanay upang mapaunlad ang kakayahan ng mga batang mamamahayag.
Kabilang sa mga kategoryang pinaghahandaan ang news writing, sports writing, feature writing, science and technology writing, editorial writing, column writing, copy reading and headline writing, photojournalism, cartooning at editorial broadcasting.
Ayon kay Ginoong Ariola, mahalaga rin ang paggabay ng mga guro at coach sa mga mag-aaral upang mas mapaigting ang kanilang kasanayan sa pagsulat, pagsusuri ng impormasyon at pagbuo ng mga journalistic output.
Kabilang sa mga kalahok si Phobie Yssabelle Buan sa Radio Broadcasting English category, na nakaranas na ring lumahok sa Regional Schools Press Conference (RSPC).
Ayon kay Buan, naging mahalaga ang kanyang karanasan sa RSPC dahil marami siyang natutunan na maaari niyang magamit sa patuloy na pagsasanay at paghahanda para sa susunod na kompetisyon.
Samantala, sa pamamagitan ng press conference, nabibigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataong masukat ang kanilang kakayahan, matukoy ang mga aspetong kailangan pang pagbutihin at matuto mula sa kanilang mga naging karanasan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa mga susunod na kompetisyon.











