--Ads--

Ipinagdiriwang ang National Flag Day sa Pilipinas bilang paghahanda sa paggunita ng Araw ng Kasarinlan ng bansa tuwing Hunyo 12.

Ito ang inihayag ng local historian at Regional Director ng DOT Region 2 na si Dr. Troy Alexander Miano sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Ayon kay Dr. Miano, maraming simbolo ang Pilipinas, at ang pinakauna at pinakamahalagang simbolo nito ay ang pambansang watawat.

Ang National Flag Day ay ginugunita tuwing Mayo 28 upang bigyang-pugay ang watawat ng bansa at alalahanin ang mahalagang papel nito sa kasaysayan ng kalayaan ng Pilipinas.

--Ads--

Aniya, ang petsang ito ay may kaugnayan sa unang pagwagayway ng pambansang watawat ng Pilipinas noong Mayo 28, 1898 sa Labanan sa Alapan, Imus, Cavite. Dito unang naipakita ang watawat ng Pilipinas matapos ang matagumpay na pakikibaka ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Kastila.

Noong panahong rebolusyonaryo, kanya-kanyang watawat ang mga lider at grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na sumasagisag sa kanilang paglaban para sa kalayaan. Iba-iba rin ang disenyo at simbolo ng mga ito depende sa pinagmulan at pinunong gumagamit.

Sa pagdaan ng panahon, lalo na sa modernong republika, naging mahalaga ang pagkakaroon ng iisang opisyal na disenyo ng watawat upang mapalakas ang pambansang pagkakaisa at iisang identidad ng estado.

Ginawa rin ito upang maiwasan ang kalituhan, iba’t ibang interpretasyon, at maling paggamit ng watawat. Dahil dito, isinabatas ang Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines na nagtatakda ng eksaktong disenyo, sukat, kulay, at tamang paggamit ng pambansang watawat.

Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay isa sa ilang bansa sa mundo na may opisyal na interpretasyon ng “wartime vs peacetime” flag orientation, kaya ito ay itinuturing na espesyal at makasaysayang simbolo ng estado.

Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang mas aktibong pakikibahagi ng mga Pilipino sa paggunita ng National Flag Day, kung saan mas maraming tahanan, sasakyan, at pampublikong lugar ang nagpapakita ng watawat bilang pagpapakita ng nasyonalismo at pagmamahal sa bansa.

Bilang paalala, hinihikayat ni Dr. Miano ang publiko na igalang ang watawat ng Pilipinas sa pamamagitan ng tamang paghawak, wastong paglalagay, at pagtiyak na ito ay hindi nasisira, nadudumihan, o nagagamit sa hindi angkop na paraan.