Maagang naghahanda ang mga magsasaka sa Ramon, Isabela, sa posibleng epekto ng El Niño sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kasalukuyang suplay ng tubig para sa kanilang mga sakahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Giovanni Vizcarra ng nasabing bayan, sinabi nitong agad na naghahanda ng lupa para sa susunod na taniman ang ilang magsasaka matapos ang pag-aani upang makapagtanim habang sapat pa ang tubig sa irigasyon.
Gayunman, hindi pa matiyak ng lokal na pamahalaan ang magiging epekto ng El Niño sa produksiyon ng palay kaya patuloy silang nakaantabay sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura.
Samantala, nangangailangan din ng karagdagang tulong ang nasa 200 mangingisda sa bayan na naapektuhan ng fish kill kamakailan. Nabigyan na umano sila ng paunang tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan, habang hinihintay pa ang karagdagang ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan.
Binanggit din ni Vizcarra ang pagkaantala ng pagdating ng mga subsidiya mula sa Department of Agriculture (DA), na nagiging hamon sa ilang magsasakang nangangailangan ng tulong para sa kanilang gastusin sa pagsasaka.
Nanawagan naman ang alkalde sa mga magsasaka na samantalahin ang kasalukuyang suplay ng tubig at patuloy na maghanda sa posibleng epekto ng El Niño.











