Tiniyak ng Cauayan Water District ang kahandaan nito sa posibleng epekto ng El Niño upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa mga konsumer sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager ng Cauayan Water District, sinabi nitong nagsagawa na ng serye ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan at mga opisyal ng Water District upang talakayin ang mga karagdagang hakbang sakaling lumala ang epekto ng tagtuyot.
Bukod sa posibleng kakulangan sa tubig, pinaghandaan din ng ahensya ang posibilidad ng pagtaas ng demand sa kuryente at malawakang brownout.
Ayon kay Engr. Supnet, may nakahandang backup generator sa bawat pumping station sa lungsod upang maipagpatuloy ang operasyon at pamamahagi ng tubig kahit magkaroon ng pagkawala ng suplay ng kuryente.
Samantala, hinikayat ng Cauayan Water District ang mga konsumer na magtipid at gumamit ng tubig nang responsable habang nararanasan ang tagtuyot.
Kabilang sa mga mungkahing paraan ng pagtitipid ang muling paggamit ng tubig mula sa paglalaba at paghuhugas ng pinggan para sa paglilinis ng banyo o pagdidilig ng mga halaman, sa halip na agad itong itapon.











