Naaresto ang isang indibidwal na kabilang sa No. 6 Top Most Wanted Person ng Anti-Kidnapping Group (AKG) sa bisa ng warrant of arrest sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan dakong alas-7 ng gabi nitong Oktubre 20, 2026, sa Barangay San Isidro East, Santa Maria, Isabela.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Emman,” 26-anyos, binata at residente ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Precil Morales, Deputy Chief of Police ng Santa Maria Municipal Police Station, sinabi niya na ang operasyon ay pinangunahan ng kanilang himpilan katuwang ang AKG-LFU, Regional Intelligence Division 2 (RID2) at Provincial Intelligence Team (PIT) Isabela West.
Isinagawa ang pag-aresto alinsunod sa warrant na inilabas noong March 5, 2026, ng Regional Trial Court Branch 266 sa Taguig City kaugnay ng kasong kidnapping for ransom and serious illegal detention at paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016. Walang inirekomendang piyansa para sa dalawang kaso na naisampa laban sa akusado.
Iniuugnay ang nadakip na akusado sa pagkidnap sa dalawang Chinese national at matagal ding nagtago sa batas.
Patuloy naman ang kapulisan sa pagpapatupad ng mga warrant of arrest sa pamamagitan ng koordinadong operasyon ng mga kinauukulang yunit.











