Patuloy na nagsisilbing dagdag-suporta sa mga marginalized sector sa bayan ng Ramon, Isabela, ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng programa ng Provincial Government of Isabela, bagama’t nakararanas ng pagkaantala sa suplay ang ilang benepisyaryo.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), persons with disabilities (PWDs), solo parents at mga mangingisda na tumatanggap ng bigas bilang tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Freddie Valentino, executive assistant ng Public Employment Service Office (PESO) sa Ramon, sinabi nitong matagal nang ipinatutupad ang programa at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan matapos itong simulan sa nakaraang administrasyon.
Ayon kay Valentino, buwanan sanang ipinagkakaloob ang ayuda sa bigas, subalit nagkakaroon ng pagkaantala sa suplay dahil sa mga problemang nararanasan sa gilingan, batay sa impormasyong ipinaabot sa kanila ng kinatawan ng PGI.
Batay sa talaan, nasa 586 ang mga benepisyaryo mula sa TODA, 263 ang PWDs, 161 ang solo parents at 65 naman ang mga mangingisda sa bayan.
Gayunman, hindi lahat ng benepisyaryo ay nakatatanggap ng kanilang nakatakdang suplay sa araw ng pamamahagi. Ayon kay Valentino, umaabot na sa halos anim na buwan ang pagkaantala, habang dalawang buwang suplay pa lamang ang naipamahagi sa ilang benepisyaryo.
Dahil dito, may ilang tricycle driver umano ang nagpahayag ng pagkadismaya sa pagkaantala ng ayuda, lalo na at malaking tulong ang bigas sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Dagdag pa ni Valentino, walang itinakdang limitasyon sa bilang ng mga miyembro ng TODA na maaaring maging benepisyaryo ng programa. Samantala, limitado naman ang slots para sa mga mangingisda, PWDs at solo parents.
Para sa mga kategoryang may limitadong slots, maaari namang palitan ng iba pang kuwalipikadong benepisyaryo ang mga pumanaw nang miyembro.
Sa ngayon, hinihintay pa ang tiyak na iskedyul ng paghahatid ng mga naantalang suplay ng bigas upang makumpleto ang pamamahagi sa mga benepisyaryo sa Ramon, Isabela.











