Isinagawa ang kauna-unahang Cooperative Sportsfest 2026 sa F.L. DY Coliseum sa Cauayan City bilang bahagi ng pagsusulong ng pagkakaisa, pagtutulungan at magandang ugnayan ng mga kasapi ng iba’t ibang kooperatiba ngayong araw, Oktubre 23.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sylvia Domingo, City Cooperative Officer ng lungsod, sinabi niyang mahalaga ang aktibidad upang higit na mapatatag ang samahan ng mga miyembro at mabigyan ng pagkakataon ang mga ito at kanilang pamilya na makilahok sa mga gawaing nagtataguyod ng camaraderie.
Ayon kay Domingo, hindi lamang nakatuon sa palakasan ang sportsfest dahil nagsisilbi rin itong pagkakataon para mas magkakilala ang mga kasapi ng iba’t ibang kooperatiba, mapalawak ang kanilang ugnayan at mapatibay ang pagkakaibigan sa labas ng kanilang karaniwang gawain.
Aniya, sa pamamagitan ng mga laro at paligsahan ay higit na naitataguyod ang pagtutulungan, paggalang sa kapwa at disiplina.
Bahagi rin ng aktibidad ang Family Day upang maisama ang mga pamilya ng mga kasapi sa pagdiriwang at magkaroon ng mas masaya at makabuluhang samahan.











