Hindi bababa sa 10 katao ang kumpirmadong nasawi sa pag-atake ng mga armadong lalaki sa Binnari, Taraba State, Nigeria.
Ayon sa mga awtoridad, sinalakay ng malaking grupo ng mga armadong lalaki na sakay ng mga motorsiklo ang naturang lugar nitong Biyernes at nanloob sa mga tindahan.
Gayunman, sinabi ng mga nakaligtas sa pag-atake na mahigit 20 katao ang nasawi.
Ayon sa mga residente, nagsimula ang pamamaril ilang sandali matapos ang friday prayers.
Sinabi ni Sa’idu Nuhu, isang residente ng Binnari, na mahigit 20 bangkay ang kanilang nakita matapos umalis ang mga salarin, habang may ilang katao pang nawawala.
Ayon naman sa community leader na si Malam Abubakar Saifullahi, tinatayang 50 motorsiklo ang ginamit ng mga salarin, na tig-dadalawang tao ang sakay.
Bukod sa pamamaril, tinangay rin ng mga suspek ang pera, pagkain at iba pang paninda mula sa mga tindahan. Kinuha rin nila ang mga motorsiklong iniwan ng mga residenteng tumakas.
Kinondena ng Amnesty International ang mga awtoridad ng Nigeria dahil sa patuloy na pagkabigong protektahan ang mga komunidad sa kanayunan laban sa mga armadong grupo na paulit-ulit na nagsasagawa ng mga pag-atake.
Patuloy na nahaharap ang Nigeria sa karahasan na dulot ng mga armadong grupo at mga bandido sa iba’t ibang bahagi ng bansa.





