Kinumpirma ng London Metropolitan Police na nagpadala sila ng liham sa tanggapan nina Meghan Markle at Prince Harry noong Enero 2019, kasunod ng mga alegasyong may kaugnayan sa umano’y paglabag ng ama ni Meghan na si Thomas Markle.
Sa pahayag ng Metropolitan Police nitong Sabado, sinabi nitong nakatanggap sila ng liham na naglalaman ng ilang paratang kaugnay ng umano’y mga paglabag na naganap sa labas ng United Kingdom.
Matapos suriin ang liham, nagpasya ang mga awtoridad na ipasa ito sa tanggapan ng Duke at Duchess of Sussex upang maipagbigay-alam sa kanila ang nilalaman nito.
Nilinaw din ng British police na hindi nila ibinahagi sa iba pang law enforcement agencies ang mga detalye ng mga alegasyon.
Matatandaang inanunsyo ng mga awtoridad sa Pilipinas nitong Biyernes na iniimbestigahan nila si Thomas Markle, 82 anyos, dahil sa mga alegasyong may kaugnayan sa umano’y pag-iingat ng mga larawan ng pang-aabusong seksuwal sa mga bata.
Samantala, wala pang inilalabas na pampublikong pahayag si Thomas Markle tungkol sa imbestigasyon. Gayunman, sa ulat ng Daily Mail, itinanggi niya ang mga paratang at tinawag ang mga ito na mga kasinungalingang walang katotohanan.
Sa panig ni Meghan, inilarawan niya bilang nakababahala ang balita at sinabing ipinaalam sa kaniya ng British police ang tungkol sa liham noong 2018.
Ayon naman sa tagapagsalita ng mag-asawang Sussex, posibleng nagkamali si Meghan sa pag-alala sa petsa ng pagtanggap ng impormasyon at dapat ituring na opisyal na batayan ang mga tala ng Metropolitan Police.
Matagal nang walang ugnayan si Meghan sa kaniyang ama, na hindi nakadalo sa kaniyang kasal kay Prince Harry noong 2018. Sinabi rin niya na hindi niya pinahihintulutang makipag-ugnayan ito sa kaniyang mga anak upang maprotektahan ang mga ito.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Pilipinas ang mga alegasyon laban kay Thomas Markle.









