--Ads--

Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nasa 13,084 tauhan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.

Ayon kay NCRPO PLt.Col. Hazel Asilo nitong Linggo, 12,459 sa mga itatalagang tauhan ay mula sa NCRPO, habang 625 naman ang manggagaling sa regional support units.

Nakahanda na umano ang deployment plan ng pulisya, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) at mga hakbang pangseguridad sa mga sementeryo, transport terminal, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Kasalukuyang nasa heightened alert status ang NCRPO. Magsisimula ang skeletal deployment sa Oktubre 29, bago ipatupad ang full alert status pagsapit ng alas-12:01 ng madaling-araw sa Oktubre 30.

--Ads--

Tinutukoy na rin ng pulisya ang mga lugar na inaasahang magkakaroon ng maraming tao at mabigat na daloy ng trapiko upang mapalakas ang presensya ng mga awtoridad, lalo na sa mahabang weekend ng Undas.

Ayon kay Asilo, pinag-aaralan din kung palalawigin ang full alert status hanggang Nobyembre 3.

Pinayuhan naman niya ang publiko na mag-ingat laban sa mga petty crime, kabilang ang pandurukot, magulong asal, at iba’t ibang uri ng panloloko.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigit 111,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa para sa Undas 2026. Makikipagtulungan din sa kanila ang mga force multiplier, kabilang ang Barangay Peacekeeping Action Teams at mga tauhan ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa mga sementeryo, maglalagay rin ng mga pulis sa mga bus terminal, transport hub, mall, at resort upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero at bakasyunista.

Inaasahang maraming Pilipino ang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang dalawin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ipagdiriwang ang All Saints’ Day sa Nobyembre 1, Linggo, at All Souls’ Day sa Nobyembre 2, Lunes. Pareho itong idineklarang special non-working days.