--Ads--

Nananatiling payapa ang sitwasyon sa Metro Manila ngayong Lunes, Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano, inaasahan nilang magkakaroon ng mga kilos-protesta ngayong araw ngunit wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil sa mga aprubadong permit para sa mga rally.

Sinabi rin ni Abrahano na wala silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad, ngunit nakahanda ang kapulisan sa anumang posibleng mangyari.

Aniya, kung magkakaroon ng mga pagtitipon sa mga lugar na hindi sakop ng freedom parks, ipatutupad ng pulisya ang maximum tolerance at makikipag-ugnayan muna sa mga organizer upang mailipat ang mga ito sa mga lugar kung saan maaaring magsagawa ng protesta nang hindi naaapektuhan ang daloy ng trapiko at operasyon ng mga tanggapan.

--Ads--

Tiniyak naman ng NCRPO na kanilang sisikaping mapanatiling maayos at mapayapa ang mga aktibidad ngayong taon.

Nanawagan din si Abrahano sa mga kalahok sa mga kilos-protesta na isagawa ang kanilang mga aktibidad sa mapayapa at maayos na paraan.