Nananatili umanong generally peaceful o mapayapa ang San Manuel, Isabela, ayon sa mga awtoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, Officer-in-charge ng San Manuel Police Station, sinabi nitong simula nang maupo siya sa puwesto noong Mayo 2026 ay wala namang major crimes na naitatala sa kanilang nasasakupan.
Dahil sa may kahabaan din ang stretch ng national highway ng San Manuel ay mahigpit nilang tinututukan ang pagbabantay bilang hakbang upang mapababa ang bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Samantala, pinaiigting din ng kanilang hanay ang kampanya kontra ilegal na droga upang mapanatili ang pagiging drug-cleared municipality ng San Manuel.
Simula noong Mayo, mayroon silang naitalang anim na operasyon na may kaugnayan sa illegal drugs at tuloy-tuloy pa rin ang kanilang monitoring sa mga pumapasok na indibidwal sa kanilang nasasakupan na nuugnay sa ilegal na kalakalan sa droga.
Ayon kay Mamerga, kabilang sa kanilang best practices ay ang araw-araw na pagbibigay ng mga information material sa mga pampublikong lugar, gayundin ang pagsasagawa ng 24/7 na pagpapatrolya ng mga kapulisan upang matiyak na kaayusan at kapayapaan sa bayan ng San Manuel.











