--Ads--

Nakahanda na ang Toll Regulatory Board (TRB) sa pagpapatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga motorista at maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko sa mga expressway ngayong Undas 2026.

Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpus, ipatutupad ang “Oplan Biyaheng Ayos” mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 30 upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing expressway sa bansa.

Mananatiling bukas ang lahat ng toll gate upang maiwasan ang pagbigat ng trapiko. Magtatalaga rin ng mga tauhan na tutulong sa mga motorista na makaranas ng problema sa kanilang radio frequency identification o RFID tags.

Ayon kay Corpus, magdadagdag din ng mga patrol vehicle, toll truck, fire truck, ambulansya, emergency medical service at incident response team upang agarang makatugon sa pangangailangan ng mga motorista.

--Ads--

Magtatalaga rin ng mga tauhan sa mga service area at stopover upang pamahalaan ang daloy ng trapiko at matiyak na malinis at maayos ang mga pasilidad.

Magkakaroon din ng libreng towing service para sa mga sasakyang masisiraan sa expressway, ngunit hindi kasama rito ang pagkukumpuni ng sasakyan.

Samantala, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na normal pa ang daloy ng mga pasahero sa dalawang pangunahing bus terminal sa Metro Manila isang linggo bago ang Undas.