Magde-deploy ng mahigit 40 personnel ang Cabatuan Police Station sa tatlong sementeryo at iba’t ibang lansangan sa Cabatuan, Isabela bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda para sa nalalapit na paggunita ng Undas.
Ilalagay sa full alert status ang buong hanay ng kapulisan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, alinsunod sa direktiba ng kanilang hepe, upang matiyak ang kahandaan sa pagpapanatili ng seguridad sa panahon ng pagdagsa ng mga mamamayang dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Randy Baccay, Deputy Chief of Police ng Cabatuan Police Station, sinabi niyang nakahanda na ang kanilang hanay para sa pagtatalaga ng mga tauhan sa mga sementeryo at lansangan sa kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga babantayan ang Cabatuan Old Cemetery, New Cemetery at ang sementeryo sa Barangay Tandul.
Ayon kay PCapt. Baccay, inaasahang mas maraming dadalaw sa Old Cemetery at New Cemetery dahil magkatabi lamang ang dalawang ito, kaya kabilang ang mga nasabing lugar sa mga pangunahing pagtutuunan ng pansin ng kapulisan.
Nakatakdang simulan ang deployment ng mga pulis sa mga sementeryo sa Oktubre 31 upang matiyak ang presensya ng mga awtoridad at agarang pagtugon sakaling magkaroon ng anumang insidente o pangangailangan sa panahon ng Undas.











