Itinuturing na matagumpay na taon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela ang pagkamit ng pambansang pagkilala ng dalawang training institution sa lalawigan, kasabay ng muling pagkapanalo ng provincial office sa Galing Probinsya Award.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Director Vilma Cabrera ng TESDA Isabela, sinabi niyang malaking karangalan para sa lalawigan ang mga pagkilalang nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng kanilang mga institusyon na mapanatili ang kalidad ng pagsasanay at serbisyong ipinagkakaloob sa publiko.
Kabilang sa mga kinilala ang Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT) sa Santiago City, na ginawaran bilang Best Training Institution sa buong bansa, habang naging finalist naman ang Isabela School of Arts and Trades (ISAT).
Ayon kay Cabrera, naging mahigpit ang pagpili dahil maraming institusyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagsumite ng kanilang mga dokumento at accomplishments para sa pagsusuri.
Mahigit isang daang dokumento umano ang isinumite ng mga lumahok, subalit tatlong institusyon lamang ang nakapasok bilang finalists sa naturang pambansang pagkilala.
Bukod dito, nakamit din ng SICAT ang Gold Recognition mula sa Asia Pacific Accreditation International (APAC), habang hinihintay pa ng TESDA Isabela ang resulta ng aplikasyon nito para sa naturang accreditation na inaasahang ilalabas sa Disyembre.











