--Ads--

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Madrid, Spain na isang Pilipino ang bahagyang nasugatan sa banggaan ng mga tren sa naturang bansa, ngayong Miyerkules, Oktubre 28, 2026.

Sa pahayag ng embahada, dinala sa ospital ang nasabing Pilipino upang mabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang embahada sa mga kinauukulang awtoridad at train operator upang matukoy kung mayroon pang ibang Pilipinong kabilang sa mga pasahero ng mga tren na sangkot sa insidente.

Nanawagan din ang embahada sa mga pamilya at kaibigan ng mga Pilipinong posibleng sakay ng mga tren o bumibiyahe sa rutang Madrid-Andalusia na makipag-ugnayan sa Renfe family helpline sa numerong (+34) 900 101 020 o sa 24-oras na hotline ng embahada sa (+34) 619 491 861.

--Ads--

Hinimok din ang publiko na magsumite ng impormasyon tungkol sa iba pang Pilipinong posibleng naapektuhan ng insidente sa pamamagitan ng online form na inilaan ng embahada.

Samantala, batay sa ulat, umabot na sa 68 ang nasawi sa naturang banggaan ng mga tren, habang nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng biktima.