Bahagyang lumakas ang piso kontra sa US dollar sa pagbubukas ng kalakalan nitong Huwebes, Oktubre 29, matapos muling bumalik sa ₱63 kada dolyar mula sa pagsasara nito sa ₱64.025 noong Miyerkules.
Nagbukas ang lokal na salapi sa ₱63.88 kada dolyar, matapos ang dalawang magkasunod na araw na pananatili nito sa ₱64 level.
Matatandaang nagtala ang piso ng panibagong record low na ₱64.17 kada dolyar noong Martes, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa krisis sa Middle East.
Una nang hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na huwag mag-panic sa paghina ng piso, at sinabing ginagamit ng pamahalaan ang lahat ng posibleng hakbang upang ipagtanggol ang halaga nito.
Ayon sa mga ekonomista, maaaring makinabang sa mahinang piso ang mga pamilyang tumatanggap ng remittances mula sa overseas Filipino workers (OFWs), exporters, BPO companies at mga negosyong may kaugnayan sa turismo. Gayunman, maaari rin nitong pataasin ang halaga ng mga imported na produkto, na posibleng magdulot ng dagdag na presyur sa inflation dahil nakadepende ang bansa sa inaangkat na mga bilihin.











