--Ads--

Tinawag na premature at panglihis sa mga isyu ng pagiging patas at legalidad ng impeachment trial ang mga talakayan hinggil sa posibleng kapalit ni Vice President Sara Duterte, ayon sa kampo ng Bise Presidente nitong Huwebes.

Sa pahayag na inilabas ni spokesperson Salvador Paolo A. Panelo Jr., sinabi ng kampo na nagdudulot ng matinding pagdududa sa legal at moral na batayan ng posibleng paghatol sa Bise Presidente ang mga usapin sa proseso ng impeachment.

Kinuwestiyon din ng kampo ang pagiging impartial ng mga senador na magsisilbing miyembro ng Senate Impeachment Court, lalo na ang mga nahaharap o pinagbabantaan ng plunder at iba pang kasong kriminal. Tinuligsa rin nito ang umano’y paglabag sa due process matapos hindi umano mabigyan si Duterte ng patas na pagkakataong sagutin ang Articles I at IV bago bawiin ng mga prosecutor ang mga ito.

Binanggit din ni Panelo ang survey ng Social Weather Stations kung saan 28 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa Senate Impeachment Court na magbibigay ito ng patas na hatol, habang nasa negatibong pito ang net trust rating nito.

--Ads--

Giit ng kampo, hindi rin matutugunan ng pagpapalit kay Duterte ang mga pangunahing suliranin ng bansa, kabilang ang inflation, banta ng Super El Niño sa seguridad sa pagkain, paghina ng economic growth sa 2.3 porsiyento, at patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.

Ayon pa kay Panelo, mas nabibigyang-prayoridad umano ng administrasyon at mga kaalyado nito ang pulitikal na maniobra kaysa sa mga isyung direktang nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.