--Ads--

Naghahanda na ang mga florist sa Cauayan City, Isabela sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimiling bibili ng bulaklak at kandila para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rachelle Laman, florist, sinabi niyang dumami na ang mga nagpapareserba ng bulaklak ngayong Oktubre.

Kabilang sa mabenta ang mga rosas na nagkakahalaga ng ₱380 kada bundle, mula sa dating ₱320 hanggang ₱350.

May mabibili ring flower offering na nagkakahalaga ng ₱250 hanggang ₱500, basket arrangement na nasa ₱1,000, bouquet na nagkakahalaga ng ₱500 hanggang ₱1,500, at pinakamahal na arrangement na umaabot sa ₱5,000.

--Ads--

Nagbibigay rin sila ng diskuwento na ₱60 hanggang ₱100 depende sa dami ng bibilhing bulaklak.

Samantala, nagkakahalaga naman ng ₱10 ang tatlong piraso ng kandila, habang nasa ₱10 hanggang ₱20 ang iba pang kandila. Ang mga kandilang nasa baso ay nagkakahalaga ng ₱100 hanggang ₱200.

Ayon kay Laman, nagmumula sa Dangwa sa Maynila at Baguio City ang kanilang mga supplier.

Maglalagay rin sila ng puwesto malapit sa isang sementeryo upang mapadali ang pagbili ng mga mamimili, at magbubukas nang magdamag ang kanilang tindahan sa Oktubre 31 upang mapaglingkuran ang mga bibili ng bulaklak at kandila.

Tumatanggap din sila ng rush orders at tiniyak na pareho ang presyo ng mga bulaklak sa kanilang tindahan at sa itatalagang puwesto sa sementeryo.