--Ads--

Maaga nang nagtungo sa mga sementeryo ang ilang residente ng Luna, Isabela upang linisin at ayusin ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bilang paghahanda sa Undas 2026.
‎
‎Sa Dadap Cemetery sa nasabing bayan, nagsimula na kahapon ang pagdating ng mga residente na nais unahan ang inaasahang pagdagsa ng mga mamamayan sa mismong araw ng Undas.
‎
‎Kabilang sa mga ginagawa ng mga pamilya ang paglilinis, pagpipintura at pag-aayos ng mga puntod upang maging maayos ang mga ito bago ang paggunita sa Nobyembre 1.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Wilfredo Albano, isang residente ng Luna, sinabi nitong pinili na niyang magtungo sa sementeryo upang maglinis nang mas maaga at maiwasang makasabay ang maraming tao bukas.
‎
‎Samantala, kasabay ng maagang pagdating ng mga pamilya, makikita na rin ang paghahanda ng mga awtoridad sa Dadap Cemetery upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga dadalaw.
‎
‎Nakaantabay na ang mga tauhan ng Philippine National Police o PNP at Bureau of Fire Protection o BFP na magsisilbi sa publiko sakaling magkaroon ng anumang insidente o mangailangan ng agarang tulong ang mga mamamayan.

Mayroon na ring nakahandang mga assistance desk na maaaring lapitan ng mga dumadalaw, habang nakahanda rin ang mga kagamitan ng mga awtoridad para sa pagtugon sa mga posibleng emergency.