Unti-unti nang naghahanda ang mga kakanin vendors sa lungsod ng Cauayan para sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili ngayong Undas.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng ilang paninda, kabilang pa rin sa mga karaniwang binibili ng mga pamilya tuwing Nobyembre 1 ang bibingka, binallay, tinudok at iba pang katutubong kakanin na nagsisilbing pagkain habang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Zenaida Ramos, isang kakanin vendor, sinabi nitong matumal pa ang bentahan sa ngayon dahil inaasahan nilang mas dadagsain ng mga mamimili ang kanilang puwesto sa mismong araw ng Undas.
Bagama’t mayroon na silang natatanggap na mga order at reservation, hindi pa umano ito ganoon karami kumpara noong nakaraang taon.
Alas-tres pa lamang ng madaling araw ay nagsisimula na silang maghanda at gumawa ng mga kakanin na nagpapatuloy hanggang tanghali, depende sa dami ng kanilang paninda at bilis ng pagkaubos ng mga ito.
Inaasahan namang magiging abala ang mga manininda sa mismong araw ng Undas dahil bukod sa mga naunang nagpareserba, tumatanggap din sila ng mga biglaang order mula sa mga mamimiling nais pang makahabol sa pagbili.
Samantala, kapansin-pansin din ang pagtaas ng presyo ng ilang kakanin ngayong Undas na ayon kay Ramos ay bunsod ng pagmahal ng mga sangkap at suplay na ginagamit sa paggawa ng mga ito.
Sa kanilang mga paninda, ang bibingka na dating nagkakahalaga ng P130 ay magiging P140, habang ang binallay na dating P25 ay P30 na, bagama’t nananatili pa rin sa dating presyo ang ilang paninda para sa kanilang mga suki.
Para naman sa bibingka, ang pinakamalaking sukat na kasalukuyang nagkakahalaga ng P120 ay magiging P150, habang ang maliit na sukat na P60 ay magiging P70.
Mananatili namang P10 ang presyo ng bibingka kada slice at wala itong magiging pagbabago kahit sa mismong araw ng Undas.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo, patuloy pa rin ang paghahanda ng mga manininda upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimiling naghahanap ng tradisyonal na kakanin para sa kanilang pamilya.











