--Ads--

Iniutos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension sa limang project engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District kaugnay ng umano’y iregularidad sa tatlong flood control projects.

Kabilang sa mga sinuspinde sina Irene Ontingco, Kevin Geronimo, John Michael Ramos, Bernardo Villafuerte at Michelle Cruz. Maaari silang masuspinde nang hanggang anim na buwan nang walang sahod habang dinidinig ang mga kasong administratibo laban sa kanila.

Nahaharap ang mga ito sa reklamong grave misconduct, serious dishonesty at gross neglect of duty kaugnay ng mga proyektong isinagawa noong 2024 sa mga Barangay Piel, San Roque at Sulivan sa Baliuag City na nagkakahalaga ng mahigit ₱188.89 milyon.

Batay sa imbestigasyon, umano’y pineke at minanipula ng mga engineer ang mga dokumento hinggil sa implementasyon, inspeksiyon, pagtanggap at pagbabayad sa mga proyekto upang palabasing nasunod ang mga kondisyon ng kontrata at mapabilis ang pagpapalabas ng pondo.

--Ads--

Nadiskubre rin umano ang manipulasyon sa mga dokumento upang mapaboran ang isang joint venture sa paggawad ng mga kontrata kahit hindi ito sumusunod sa mga itinakdang regulasyon.

Ayon sa Ombudsman, kailangan ang preventive suspension upang hindi maimpluwensiyahan ng mga respondent ang nagpapatuloy na imbestigasyon o magkaroon ng pagkakataong pakialaman ang mga dokumentong magsisilbing ebidensiya sa kaso.