--Ads--

Umabot na sa mahigit 1.38 milyon ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 1, kasabay ng pagdagsa ng mga biyahero para sa Undas.

Batay sa datos ng PITX hanggang alas-11 ng umaga nitong Linggo, umabot sa 1,385,816 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong naitala sa terminal sa loob ng walong araw.

Pinakamaraming pasahero ang naitala noong Oktubre 26 na may 197,288, sinundan ng 193,567 noong Oktubre 30 at 189,849 noong Oktubre 31.

Para naman sa mismong paggunita ng All Saints’ Day nitong Nobyembre 1, nakapagtala ang PITX ng 71,085 pasahero hanggang alas-11 ng umaga. Bahagya itong mas mataas kumpara sa 70,565 na naitala sa kaparehong oras noong Sabado.

--Ads--

Sa kabila ng pagdami ng mga biyahero, wala pang rutang ganap na fully booked sa terminal hanggang sa naturang oras.

Pinakamataas ang naitalang booking para sa mga biyahe patungong Bicol na nasa 28.95 porsiyento. Sinundan ito ng North Luzon na may 21.27 porsiyento, Visayas at Mindanao na 10.42 porsiyento, Laguna, Batangas at Quezon na 9.94 porsiyento, at Mindoro na 9.09 porsiyento.

Nauna nang inaasahan ng PITX na aabot sa hindi bababa sa 1.8 milyon ang mga pasaherong gagamit ng terminal mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 4.

Itinaas din ng pamunuan ng terminal nang 10 porsiyento ang kanilang passenger projection, katumbas ng karagdagang 210,000 biyahero, upang isaalang-alang ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero mula Nobyembre 16 hanggang 18.

Idineklara ang mga naturang petsa bilang special non-working days sa National Capital Region kaugnay ng ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits and Related Summits.