--Ads--

Kumpirmadong nasawi ang lahat ng siyam na sakay ng isang private jet matapos itong bumagsak sa Palm Beach County, Florida, may siyam na milya ang layo mula sa Mar-a-Lago estate ni US President Donald Trump.

Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), bumagsak ang Learjet 60 sa isang residential area malapit sa Cresthaven dakong alas-12:50 ng tanghali nitong Linggo, Nobyembre 1.

Mula sa Austin-Bergstrom International Airport sa Texas ang naturang eroplano at patungo sana sa North Eleuthera Airport sa Bahamas nang mangyari ang aksidente.

Makikita sa kuha ng dashcam ang mabilis na pagbulusok ng eroplano bago tuluyang bumagsak sa lupa at sumabog, na nagdulot ng malaking bolang apoy.

--Ads--

Inilarawan naman ni US Transportation Secretary Sean Duffy ang insidente bilang isang “horrific tragedy.” Nagpadala na rin ang FAA ng isang team upang tumulong sa imbestigasyon ng National Transportation Safety Board (NTSB).

Sa ngayon, hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung mayroon ding mga residenteng nasugatan o naapektuhan ng insidente.