--Ads--

Hindi pa rin natatagpuan ng mga awtoridad ang motor banca na MBca Rose Marie matapos itong bahagyang lumubog sa karagatang malapit sa Dalupiri Island, Calayan, Cagayan noong Oktubre 31, 2026.

Ligtas naman ang walong sakay nito, kabilang ang kapitan at mga tripulante, bagama’t ilan sa kanila ay nagtamo ng sugat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ens. Dionisio Mahilum Jr., tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi nitong inangkla muna ang bangka upang hindi maanod habang inililikas ang mga sakay nito. Gayunman, nang balikan kinaumagahan ay hindi na ito matagpuan.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga kalapit na isla upang matukoy kung saan inanod ang bangka, na hindi agad nahatak dahil mahigit isang milya ang layo nito mula sa pampang.

--Ads--

Karga ng motor banca ang tatlong kalabaw at pitong baka mula Calayan na ihahatid sana sa Claveria, Cagayan, subalit isang kalabaw at tatlong baka lamang ang nasagip.

Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng naging sanhi ng insidente ang paggalaw ng mga alagang hayop na naging dahilan ng pagkakatanggal ng deck at pagpasok ng tubig sa bangka.

Dahil dito, sinuspinde na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Ship Safety Certificate ng MBca Rose Marie.